Isang cargo vessel, nasunog sa karagatang sakop ng Batangas

Nasunog ang isang cargo vessel na M/V Moreta Venture sa karagatang sakop ng Marikaban Island, sa lalawigan ng Batangas.

Sa impormasyong ibinigay ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Armand Balilo, nakatanggap ang kanilang command center ng distress call mula sa BRP TUBBATAHA hinggil sa nasusunog na M/V Moreta Venture pasado alas-4:00 ng madaling araw.

Agad na nagtungo ang barko ng PCG na BRP Boracay na nasa Sta. Clara, Batangas para tumulong sa pag-apula ng apoy kung saan nagtungo rin ang helicopter ng coast guard para umalalay sa insidente.


Nasa ligtas na kalagayan naman ang lahat ng officers at crew ng nasabing cargo vessel at tuluyang naapula ang sunog bandang alas-8:00 ng umaga.

Nakikipag-ugnayan naman ang PCG sa ilang mga may-ari ng barko na malapit sa pinangyarihan ng insidente para tumulong na mahatak sa pinakamalapit na pantalan ang nasunog na M/V Moreta Venture.

Facebook Comments