Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na isang Cessna 340 (Caravan) aircraft ang nawawala tatlong minuto matapos mag-take-off sa Albay Airport.
Ang nasabing Cessna plane na may registry number RP-C2080 ay nawalan ng komunikasyon sa air traffic control dakong alas-6:46 kaninang umaga o tatlong minuto matapos mag-take-off sa Bicol International Airport.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, kabilang sa mga sakay ng eroplano na patungo sana ng Manila ang isang piloto, isang crew, at dalawang pasahero.
Sinabi ni Apolonio na agad namang naglunsad ng search and rescue (SAR) operations sa Camalig ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan katuwang din ang Camalig-LGU.
Nagtulong-tulong sa communication search ang Manila Area Control Center, Manila Approach, Naga Tower, Clark Tower at Sangley Airport subalit wala silang nakuhang impormasyon sa eroplano.
Nagpadala na rin ang CAAP ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) sa Albay.