Isang chairman ng barangay sa QC, may apela sa DOLE

Umaapela na kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang chairman ng Barangay E. Rodriguez sa Quezon City na manghimasok na sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga laborer na naka-lockdown sa isang barracks sa Stanford Street, Cubao, QC.

Kasunod ito ng nakikitang kakulangan ng pinagtatrabahuang construction company para harapin ang kanilang kondisyon matapos magkahawaan ng Coronavirus disease.

Ayon kay Brgy. E. Rodriguez Chairman Marciano Buena-Agua Jr, tatlong araw na sweldo lamang ang naibigay na tulong ng Mec Construction Company sa 274 na mga manggagawa.


Paliwanag ni Buena-Agua, problemado ang mga construction worker na galing pa sa iba’t ibang mga probinsya dahil wala na silang maipadalang pera sa kanilang mga pamilya habang naka-lockdown.

Kaninang umaga ay una nang nagbigay ng ayudang pagkain ang mga aktor na sina Tom Rodriguez, Carlo Maceda at Billy James Cash Renacia.

Dismayado ang tatlong aktor sa may-ari Mec Construction Company dahil sa umano’y kapabayaan at hindi pagbibigay ng tamang suporta sa kanilang manggagawa.

Agosto a-18, pa nang ikandado ng city government ang tinutuluyang barracks ng mga laborer matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawa sa mga ito.

Lalong nagkaroon ng problema ang mga contruction worker dahil ngayon lamang hapon ay nadagdagan pa ng 30 katao ang tinamaan na rin ng virus kung saan ang kabuuang infected ay umaabot na sa 59.

Facebook Comments