Isang Chinese national, dinukot sa Binondo, Maynila

Iniimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang insidente nang pagdukot sa isang negosyante at building contractor na Chinese sa Binondo, Maynila.

Ayon kay MPD District Director Police Brigadier General Rolando Miranda, bumuo na siya ng Special Investigation Task Group na tututok sa kaso ng pag-kidnap sa biktimang si Wilson Chua, 63-anyos, nakatira sa 1281 Bambang St., Tondo, Maynila.

Ang Task Group ay binubuo ng siyam na katao na pinamumunuan ni Police Colonel Nicolas Salvador, Deputy District Director for Operations ng MPD.


Batay sa incident report ng MPD, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Sabilo Padilla St., kanto ng Soler St., Binondo, Maynila.

Makikita sa CCTV footage na nakuha ng pulisya na dalawa ang unang bumaba sa sasakyan at nilapitan ang biktima saka pilit na isinakay habang dalawang lalaki pa ang bumaba sa likurang bahagi.

Una nang hiniling ng MPD sa Land Transportation Office (LTO) Main Office sa East Avenue Quezon City na matukoy ang may-ari ng SUV na Mitsubishi Adventure na kulay silver gray at may conduction sticker na EG4977.

Pero, natuklasan na ang nasabing conduction sticker ay nakarehistro sa sasakyan na Kia Picanto Hatch Back Model 2016 na kulay cherry pink na pag-aari naman ni Jayke Cabucos na residente ng Poblacion Cebu City.

Base rin sa pagsisiyat ng pulisya, wala ring impormasyon na may nakaaway ang biktima o problema sa financial.

Facebook Comments