Manila, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ng World Environment Day, umapela ang grupong Murang Kuryente sa Meralco na totohanin ang pangako sa pagbibigay ng renewable energy sa pamamagitan ng pagtanggal ng lahat ng coal-fired power plants sa kanilang mga pipeline.
Ginawa ng grupo ang apela kasunod ng anunsyo ng Meralco na plano nla na bumuo ng 1,000 megawatts na Renewable Energy Projects sa susunod na pitong taon.
Ayon kay Murang Kuryente spokesperson Gerry Arances, ang renewable energy ay mas ligtas at matipid na mapagkunan ng kuryente.
Aniya, napapanahon na para iabandona ng Meralco ang Coal-Fired Power Plant Projects at tuluyang yakapin ang renewable energy para hindi magmukhang press release lamang ang planong 1,000 megawatts na Renewable Energy Projects nito.
Sinabi pa ng grupo na mapapakita lamang ng Meralco na tunay ang kanilang pagyakap sa renewable energy kung ipapasara nito ang Atimonan Coal Project.
Ang Meralco Powergen Corp. na isang power generation subsidiary ng Meralco, ay nagtatayo ng 1,200 megawatts na planta ng fired power plant sa Atimonan, na mahigpit na tinatutulan ng Murang Kuryente at mga kaalyado nito.