Isang Councilor at dating Hepe ng PNP Cauayan City, Natangayan ng Matataas na Armas at Pera Matapos Malooban ng Bahay!

*Cauayan City, Isabela- *Nilooban at natangay ang matataas na kalibre ng baril ang tahanan ng dating hepe ng PNP Cauayan City at kasalukuyang Sangguniang Panlungsod Member na si Danilo Asirit sa Christine Village, District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nang makauwi sa kanyang bahay si City Councilor Danilo Asirit ay napag-alaman nito na nawawala na ang kanyang isang AK 47, dalawang M16 Armalite rifle at perang nagkakahalaga ng limampung libong piso na kanyang itinago sa kanyang kwarto.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP Cauayan, dumaan umano sa likurang bakod ng bahay ni Councilor Asirit ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na bull cap at itim na pantalon at inilagay sa isang itim na backpack ang kanyang mga ninakaw na baril at pera.


Sa tulong naman ng isang witness ay nakilala ang suspek na si Alvin Malandug , trenta anyos na residente rin ng District 1, Cauayan City, Isabela base na rin sa ipinakitang rogues gallery ng PNP Cauayan.

Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang manhunt operation ng kapulisan para sa agarang pagkaaresto ng nasabing suspek.

Facebook Comments