
Huli at kulong ang isang Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer matapos suhulan ng P360 million na kickback sa infrastructure projects si Batangas First District Representative Leandro Leviste.
Nanggaling ang impormasyon sa social media post ni Senator Panfilo Lacson na kanya namang kinumpirma.
Ayon kay Lacson, nakausap niya ang batang kongresista at ang ina ng mambabatas na si Senator Loren Legarda tungkol dito.
Nangyari ang pag-entrap sa district engineer noong Biyernes na nahulihan ng P3.6 million na pangunang suhol sa kongresista at susundan pa umano ito ng P15 million.
Mismong si Leviste rin ang kumontak sa mga pulis para mai-set ang entrapment operation sa naturang district engineer na nakakulong na.
Sa kabila ng pangamba ng ina ni Leviste na si Senator Legarda ay puring-puri naman ng senador ang ginawang pag-aksyon ng naturang kongresista.









