Ipinaliwanag ng isang health expert ang kahalagahan ng pagsusuot ng face shield laban sa Delta variant ng COVID-19 na mas mabilis na makahawa.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, infectious disease expert at miyembro ng Philippine Task Force on COVID-19 variant, ang Delta variant ay apat na beses na mas nakakahawa kaysa sa orihinal na virus mula sa Wuhan, China at dalawang beses na mas nakakahawa kaysa sa UK variant.
Batay aniya sa pag-aaral ng Health Department ng Australia, maaaring makuha ng isang tao ang Delta variant kahit sandali lang ang exposure nito.
Dahil dito, iginiit ni Salvana na mas mainam pa rin ang pagsusuot ng face shield na nakakatulong bilang ikalawang layer ng proteksyon laban sa virus.
Sakali aniyang makalusot pa rin ang virus, kakaunti na lamang ito dahilan para magkaroon lang ang isang tao ng mild symptoms ng COVID-19.