Isang empleyado ng DOJ, binawian ng buhay dahil sa COVID-19

Kinumpirma ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na isang empleyado ng Department of Justice (DOJ) ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Undersecretary Villar, ang naturang empleyado ay unang na-admit sa pagamutan at kalaunan ay binawian ng buhay.

Kinumpirma rin ng opisyal na umabot na sa 26 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga empleyado ng DOJ.


Walo aniya sa nasabing bilang ang aktibong kaso at patuloy nilang mino-monitor nitong mga nakalipas na linggo.

Sa ngayon, 50% lamang ng on-site workforce ng DOJ ang nag-o-operate at ibang empleyado ay naka-work from home.

Tiniyak din ng DOJ na maaaring i-reimburse ng kanilang mga empleyado ang nagastos ng mga ito sa pagpapa-swab test para sa COVID-19.

Mahigpit pa ring ipinatutupad ang health at safety protocols sa DOJ, gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, at social distancing.

Tinitiyak din ng pamunuan ng DOJ na may sapat silang suplay ng face masks, face shields at alcohol.

Una nang isinailalim sa dalawang araw na lockdown ang DOJ mula noong Lunes hanggang kahapon.

Facebook Comments