Kinumpirma ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagpositibo ang isang empleyado sa COVID-19.
Ayon kay House Secretary General Jose Luis Montales, nakatalaga sa printing services ng Kamara ang hindi pinangalangang empleyado.
Mayroon nang dating sakit ang empleyado at noong nakalipas na taon ay pabalik-balik na ito sa ospital.
Bukod dito ay na-confined ito kamakailan lamang sa ospital matapos magkaroon ng community-acquired pneumonia.
Ang nasabing empleyado ay walang travel history sa anumang bansa bukod pa sa walang alam na may COVID-19 positive ang kanyang nakasalamuha.
Dahil dito, lahat ng kawani ng Printing Services ng Kamara ay ipinasailalim na sa self-quarantine.
Nagsasagawa na rin aniya ng contact tracing ang DOH kung sino ang nakasalamuha nito kabilang na ang mga taga ibang departamento ng Mababang Kapulungan.
Sa ngayon ay hindi pa batid kung kasama na ang isang kawani ng Kamara sa bilang ng DOH ng mga nagpositibo sa COVID-19.