Umaapela ng tulong ang pamunuan ng Parañaque National High School (PNHS) main sa Barangay San Dionisio, Parañaque City para sa kanilang mga estudyante.
Ayon kay PNHS Main Principal Gerry Lumaban, nais nilang mabigyan ng mga makabagong kagamitan tulad ng laptop, tablet at cellphone.
Ito ay para sa pag-aaral ng mga mahihirap na estudyante lalo na at panahon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Nabatid na aabot sa 13,650 ang bilang ng mga estudyanteng naka-enroll ngayon sa PNHS-Main kung saan higit 600 dito ay kapos sa buhay at walang pambili ng gadgets para sa ipapatupad na distance learning.
Patuloy naman nadadagdagan ang bilang ng mga estudyante dahil tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang enrollment hanggang July 15, 2020.
Sa mga nais naman magpa-abot ng tulong, maaaring magtungo sa nasabing paaralan o kaya ay tumawag sa 0908-419-0340 at makipag-ugnayan kay Percila Mislang, ang Chairwoman ng PNHS-Main Brigada Eskwela 2020.