Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang nurse ang sugatan sa nangyaring pagsabog at palitan ng putok sa southern part o labas ng Tripoli, Libya.
Ang nasabing nurse ay isang 60-anyos na Filipina na nagta-trabaho sa isang ospital sa Tripoli.
Dahil dito, pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Libya ang iba pang Pilipino at Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa o malapit sa insidente ng pagsabog na manatili sa loob ng kanilang bahay.
Kung maaari ay lumikas na muna at lumipat sa ilang bahagi ng Tripoli na ligtas sa panganib.
Dahil din sa nangyayaring kaguluhan, nanawagan ang Embahada ng Pilipinas sa iba nating kababayan na maging alerto sa anumang oras para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, patuloy na naka-monitor ang DFA sa sitwasyon sa Tripoli at umaasa sila na nasa maayos na sitwasyon ang ibang Pinoy doon.