Kabilang ang isang fire station ng Quezon City (QC) Fire Department sa tatlong naidagdag na lugar na isinailalim ng QC local government sa Special Concern Lockdown Areas (SCLA).
Ito ay dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang sa mga isinailalim sa lockdown simula kahapon ay ang isang lugar sa Amuslan Street sa Barangay Masambong, isang lugar sa Batangas Street sa Barangay San Antonio at ang Marilag Fire Station sa Magat Salamat Street, sa Barangay Marilag, QC.
Paliwanag ng QC Local Government Unit (LGU), partikular na lugar lamang ang sakop ng lockdown at hindi ang buong barangay.
Ang mga apektadong pamilya ay pagkakalooban nila ng food packs at essential kits at isasailalim din sa swab testing at mandatory 14 araw na quarantine.
Sa kasalukuyan, nasa 55 lugar sa lungsod ang isinasailalim sa special concern lockdown.