
Personal na iniabot ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang isang folder ng mga dokumento kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isinagawang inspeksiyon ng milyong pisong rock shed project sa Kennon Road, Benguet.
Bagama’t hindi ibinunyag ang nilalaman ng mga dokumento, una nang sinabi ni Magalong sa mga panayam na magsusumite siya ng mga ebidensiya kaugnay ng umano’y malalaking iregularidad sa ilang flood control projects.
Ito’y matapos ding sabihin ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na maaaring maiparating anumang oras ang mga dokumento sa Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagiging lantad ni Mayor Magalong sa mga isyu ng anomalya sa imprastruktura ang nagtulak sa kanya na personal na tingnan ang proyekto.
Kaugnay nito inimbitahan din ni Magalong ang Pangulo na bumisita sa isa pang lugar malapit sa Kennon Road view deck sa Barangay Camp 7, upang inspeksiyunin ang isang kalsadang tinukoy niya bilang “road to nowhere,” na aniya’y patunay ng mas marami pang kwestiyonableng proyekto sa lungsod.









