Isang Ginang, Pinagtataga Habang Natutulog!

Santiago City, Isabela- Nasa kritikal na kondisyon ang isang ginang matapos pagtatagain ng maraming beses ng kanyang mismong kapitbahay habang ito ay natutulog bandang alas onse kagabi sa Brgy. Rizal, Santiago City, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si Olive Dionisio Balag, bente otso anyos, may-asawa at residente ng Purok 7, Gawad Kalinga Brgy. Rizal, Santiago City habang ang suspek naman ay kinilalang si Armando Deocares, bente anyos, walang asawa, construction worker at residente rin ng naturang Barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Santiago City Police Station 1, natutulog ang biktima kasama ang kanyang tatlong anak sa loob ng kanilang bahay nang biglang pumasok at pagtatagain ito ng suspek ng dalawampu’t limang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng biktima at agad ding tumakas ang suspek matapos ang kanyang pananaga.


Isinugod naman ng kanyang asawa sa pagamutan ang biktima para sa kanyang kaukulang lunas habang nagsagawa naman ng pagtugis ang mga rumespondeng kapulisan.

Samantala, kaninang umaga ay nadakip na rin ng kapulisan ang suspek at napag-alamang kapit-bahay lamang ng biktima ang naturang suspek.

Hawak na ngayon ng Santiago City Police Station 1 ang suspek habang inihahanda na ang kanyang kasong Bigong Pagpatay at VAWC.

Facebook Comments