Nagkasa ng rally ang grupong Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) sa labas ng Supreme Court.
Ito’y upang ipanawagan na panagutin sa kaniyang mga kaso si dating first lady Imelda Marcos.
Ayon kay SELDA Vice Chairperson Danilo dela Fuente, umaapela sila sa Korte Suprema para pagtibayin ang naging desisyon ng Sandiganbayan na nagkasala ang dating unang ginang.
Kaugnay nito, nagpadala sila ng sulat sa kay Chief Justice Alexander Gesmundo para maglabas na ng desisyon sa naging kaso ni Marcos kung saan tuluyan na rin i-dismis ang apela nito.
Iginiit ng grupo na tatlong taon na rin ang nakakalipas mula ng mahatulan ng Sandiganbayan si Marcos dahil sa 7 counts ng graft matapos na undi maipaliwanag ang $352 million na pondo ng Swiss Foundation noong siya ay governor pa ng Metropolitan Manila noong 1970 pero nakapag-piyansa ng P300,000 kaya’t pansamantalang nakalaya.
Inihayag pa ng grupong SELDA na una na silang nagpadala ng sulat noong nakaraang taon kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta pero wala silang natanggap na tugon hinggil sa kanilang apela.