Isang grupo ng mga consumer, nagbabala sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente

Nagbabala ang isang grupo ng mga consumer na ang mataas na singil sa kuryente ang balakid sa isinusulong na kampanya ng Marcos administration na Bagong Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Rodolfo Javellana Jr., presidente ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) kasunod ng panibagong 57-centavo kada kilowatt hour na power rate increase na inanunsyo ng Meralco.

Iginiit ni Javellana na ang mataas na singil sa kuryente lalo na sa mga Meralco service area na kabuuang 75% ng ekonomiya ang pangunahing hadlang sa pagsisikap ng pamahalaan na makakuha ng mga investors.


Aniya, hindi makakamit ang Bagong Pilipinas kung hindi mareresolba ang pagiging mahal ng electricity rates.

Iminungkahi ng consumer group sa Kongreso na ipawalang-bisa na lamang ang mga batas na nagbibigay daan umano sa monopolya sa electric utilities kung saan dapat ay irebisa na ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA of 2001 upang mapababa na ang cost of electricity sa bansa.

Una nang inanunsyo ng Meralco ang pagkakaroon ng 57-centavo na taas-singil upang mabawi ang 45-centavo per kilowatt hour na pagtaas sa generation costs na nagsimula nitong Enero.

Matatandaan naman na patuloy ang imbestigasyon ng Kamara sa akusasyon ni Laguna Representative Dan Fernandez na diumano ay may franchise abuse na ang Meralco.

Facebook Comments