Pinag-iingat ng Department of Migrant Workers (DWM) ang overseas Filipino workers (OFWs) hinggil sa ‘third country recruitment’ schemes ng illegal recruiters at syndicates na naglipana sa social media platforms.
Ayon sa DMW, nakatanggap sila ng reports mula sa Philippine Embassy sa Abuja, Nigeria hinggil sa mga insidente ng human trafficking na kinasasangkutan ng Filipino nationals sa Nigeria at iba pang bansa sa West Africa.
Tinukoy ng DMW ang isang grupo ng mga Pilipino na inaresto sa Abuja at Lagos dahil sa pagkakasangkot sa cybercrime, economic sabotage, at paglabag sa Nigerian Immigration Laws.
Kinumpirma ng DMW na ang naturang mga Pinoy ay ni-recruit para bumiyahe ng Nigeria mula Dubai, United Arab Emirates (UAE) gamit ang tourist visas.
Pinaniwala anila ang mga ito na ipo-proseso ang kanilang permits pagdating nila ng Nigeria.
Nilinaw ng DMW na hindi pinahihintulutan ng Nigerian government ang pag-convert ng tourist visas para sa employment.
Ipinaliwanag pa ng DMW na bago makapagtrabaho sa Nigeria, kailangan munang kumuha ng Subject to Regularization (STR) visa mula sa Nigerian Embassy sa Pilipinas.