Isang grupo, umaasang hindi babalewalain ng COMELEC ang disqualification case ni Bongbong Marcos kahit pa mataas ang resulta nito sa mga survey

Kahit nabasura na ang petition for cancellation ng Certificate of Candidacy (COC), tuloy pa rin naman ang pagdinig ng Commission on Elections (COMELEC) sa iba pang petisyon laban kay dating Senador Bongbong Marcos na tumatakbong sa pagka-pangulo.

May mga nakabinbin pa rin kasing petisyon sa COMELEC 1st at 2nd Division na layon naman madiskwalipika si Marcos.

Isa rito ang petisyong inihain ng grupong Pudno Nga Ilokano o ang mga totooong Ilocano, na nasa COMELEC 2nd Division.


Kahapon nagsumite na ng kanilang memorandum ang grupo para ilahad lahat ng kanilang argumento kung bakit dapat idiskwalipika si Marcos.

Ayon sa kanila, hindi dahilan ang magandang ipinapakita ni Marcos sa mga survey upang balewalain ng COMELEC ang disqualification case na ito.

Ang disqualification ay usaping legal at hindi umano usapang pulitika.

Giit nila, dapat ibasura ang candidacy ni Marcos, dahil ayon sa batas ang isang public official na napatuyang guilty sa hindi paghahain ng income tax return ay automatic nang hindi pwedeng bumoto kaya hindi na rin ito pwedeng tumakbo sa kahit anong pwesto sa gobyerno.

Bagama’t nagkamali umano ang Court of Appeals sa pag-alis ng parusang pagkakakulong sa desisyon nito noon sa tax case ni Marcos, hindi nito pinawalang bisa ang kaugnay na epekto ng conviction na ito kasama na rito ang pagtanggal ng karapatang bumoto at tumakbo sa halalan.

Facebook Comments