Hindi dapat maalarma ang publiko kahit pa nadagdagan ng lima ang kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariant sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang Infectious Diseases Expert na sa kabila ng COVID surge na nararanasan sa ibang mga bansa ay hindi naman aabot sa ganoon kadami ang maitatalang kaso sa Pilipinas.
Naniniwala si Dr. Solante na nananatili pa rin ang proteksyon natin mula sa BA.2 subvariant na tumama sa bansa nitong Enero.
Sinabi rin nito na kung magkaroon man ng pagtaas ng kaso sa bansa ay hindi ito magiging katulad noong Omicron surge.
Samantala, dahil sa mild lamang ang epekto ng Omicron subvariant, naniniwala rin si Solante na hindi ito makapagdudulot nang pagkapuno ng mga pagamutan sa bansa.
Kahit mabilis ito makahawa, kung bakunado naman ang isang tao ay mild o asymptomatic lamang ang epekto nito kung kaya’t hindi mangyayari ang COVID surge na naranasan natin noong Enero.