Isang holdaper, patay sa engkwentro; Isang kasamahan nito, nakatakas sa QC

33

Patay ang isang holdaper habang isang kasamahan nito ang nakatakas makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa IBP Road malapit sa Pook Pag-asa, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakilala ang holdaper na tinatayang may edad na 25 hanggang 35 anyos, may taas na 5’4″ – 5’7″ ang height, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng itim na jacket habang ang kasamahan nito ay nakatakas.


Ayon sa biktimang si Jonas Lincuna, 31-anyos, papauwi na siya galing Centris sa EDSA kanto ng Quezon Avenue habang lulan ng motorsiklo nang tabihan siya ng isa pang motorsiklo at tinutukan ng kalibre .38 paltik na baril at kinuha ang kanyang mahahalagang kagamitan at mabilis na tumakas ang mga suspek.

Agad na nagsumbong sa himpilan ng pulisya ang biktima at sa ginawang dragnet operation, naispatan ang mga suspek na sa halip na sumuko ay pinaputukan ang mga pulis.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kaliber .38 revolver, metal jacket at isang plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu.

Facebook Comments