
Nasagip ng mga operatiba ng Northern District Anti-Cybercrime Team, kasama ang Pasig City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ang isang taong gulang na sanggol na babae matapos itong ibenta sa halagang walong libong piso sa Pasig City.
Naaresto ang 45 taong gulang nitong ina matapos ang ikinasang operasyon ng mga awtoridad.
Naging posible ito matapos ang tuluy-tuloy na pagsasagawa ng cyberpatrolling ng ahensiya, kung saan nadiskubre ang isang post sa isang online platform na nag-aalok ng sanggol for adoption kapalit ng pera.
Ayon sa Acting Director ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na si PBGen. Wilson Asueta, nadiskubre rin na tinangka na rin umanong ibenta ng suspek ang iba pa niyang anak.
Dagdag pa ni Asueta, kahirapan ang nagtulak sa suspek sa nasabing pagbebenta.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang nasabing suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
Habang ang nasagip na sanggol ay nasa kustodiya naman ng Pasig City Social Welfare and Development Office.










