Isang judge sa Laguna, tinanggal sa pwesto at pinatawan ng disbarment ng SC

Hindi na maaaring magsilbi ang isang judge sa Calamba, Laguna matapos patawan ng disbarment o tanggalan ng lisensya dahil sa pamemeke ng mga dokumento at maling paggamit sa sahod ng empleyado.

Batay sa 42-pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, hinatulang guilty si Judge Sharon Alamada-Magayanes sa patung-patong na kasong falsification of official documents, serious dishonesty, gross misconduct, commission of crimes involving moral turpitude, at paglabag sa new code of judicial conduct.

Bukod sa parusang disbarment, tinanggal din sa pwesto si Alamada bilang Vice-Executive Judge at Presiding Judge ng Calamba City Municipal Trial Court Branch 3.


Ayon sa SC, umamin si Alamada na pinirmahan pa rin niya ang nakarehistrong payroll o sahod ng kanyang contractual driver sa Calamba City LGU kahit alam niyang nag-resign na ito.

Si Alamada rin umano ang nagmay-ari ng ATM card ng nag-resign na driver kaya siya ang tumanggap sa ipinasok na sahod mula Setyembre 2020 hanggang Hulyo 2021.

Ayon sa mga mahistrado, hindi na karapat-dapat si Alamada dahil sa naging epekto ng kanyang ginawa sa imahe ng hudikatura, gayundin ang kawalan ng pagsisisi sa ginawa, at bigat ng kanyang ginawang paglabag.

Bukod kay Alamada, hinatulan ding guilty ang kanyang Clerk of Court na si Rachel Worwor-Miguel, at Court Stenographer na si Beverly De Jesus dahil sa pagpirma sa mga pekeng payroll register.

Facebook Comments