Isang Kapitan, Nasasangkot sa usaping Vote Buying!

Gamu, Isabela – Nakatanggap ng ulat ang PNP Gamu mula sa apat na katao hinggil sa pagkasangkot sa usaping Vote Buying ng kanilang Kapitan sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Kinilala ang mga nagreport na sina Edwin Elizaga, 37 anyos, dating miyembro ng Philippine Army kasama sina Dominado Macarubbo, 47 anyos, Carlito Miranda, 38 anyos at Jovannie Aggabao, 25 anyos at pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, pasado alas sais kaninang umaga nang puntahan ng grupo ni Elizaga ang lugar kung saan napag-alaman nila na bumibili umano ng boto ang kanilang kapitan na si George Gattering.


Pagkarating sa lugar ay nakita nila na nakasakay sa Tricycle si Kapitan Gattering kasama ng isang Kagawad na si Arnold Sacasac at Warlito Natividad.

Pinatigil ni Elizaga ang kanilang sinasakyan at tinanong kung saan sila nanggaling habang ang dalawang kasamhan ni Kapitan na si Sacasac at Natividad ay agarang tumakas.

Tinanong rin ni Elizaga kung ano ang laman ng bag ni Kapitan at pagbukas ng sling bag ay nakita ang isang baril.

Inagaw umano ni Elizaga ang sling bag na naglalaman ng isang calibre 45, isang short magazine na may pitong live ammunitions, isang pirasong leather holster at cash na nagkakahalaga ng anim na libong piso.

Mariing pinabulaanan naman ni Kapitan Gattering ang akusasyon at kanyang sinabi na kagagaling lang niyang magload ng cellphone nang siya ay harangin.

Sinabi din niya na wala siyang dalang baril at pera na karga umano ng kanyang sling bag.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Gamu hinngil sa insidente.

Facebook Comments