Ipinirisinta ngayon nina Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Leo Francisco at Mayor Isko Moreno ang mga suspek na tulak ng iligal na droga na nasakote sa pinagsanib na operasyo sa Imus, Cavite.
Nabatid na nasa 8. 5 kilong shabu ang nasabat ng pinagsanib na operasyon na pinangunahan ng MPD-Drug Enforcement Unit, PDEA, Cavite Provincial Police at Imus Municipal Poloce Station sa may bahagi ng Tansui Street, Sara Subdivision kung saan nasa limang suspek ang naaresto.
Kinilala ang mga nadakip na sina Ismael Daud, Tamano Daud, Omar Radia, Sandra Maguid at Bainor Maguid na kapwa mga residente ng Brgy. Bayan Luma III sa Imus, Cavite at mga miyembro ng Tamano Drug Group.
Sinabi ni MPD Chief Gen. Francisco na si Tamano Daud ay dati ng may kasong kaugnay sa iligal na droga at murder.
Bukod sa mga iligal na droga na nagkakahalaga ng higit 58 milyong piso, nakumpiska rin sa mga suspek ang dalawang baril na may pitong magazine at mga bala.
Ayon naman kay Mayor Isko, ang mga nasakoteng suspek ang siyang responsable sa pagsu-suplay ng iligal na droga sa may bahagi ng Rizal, Quezon City at sa Metro Manila.