Dismayado si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na hanggang ngayon ay wala pa rin umanong kumikilos para magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng 90 katao sa Maco, Davao de Oro noong nakaraang buwan dulot ng landslide.
Ayon kay Tulfo, akala niya ay kikilos kaagad ang Department of Environment and Natural Resources o ang Mines and Geosciences Bureau para mag-iimbestiga subalit walang nangyari.
Kasama si Davao De Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga ay naghain na si Tulfo ng resolusyon na nagsusulong na imbestigahan ng Kamara ang malagim na insidente.
Pero ikinalungkot ni Tulfo na hindi pa rin ito inaaksyunan ng Committee on Disaster Resilience na pinamumunuan ni Dinagat Representative Allan Ecleo.
Giit ni Congressman Tulfo, sa dami ng namatay ay dapat may managot sa trahedya lalo’t isang malaking tanong kung bakit may mga bahay pa rin sa nabanggit na lugar na idineklara ng no build zone.
Ang isinusulong na imbestigasyon ni Tulfo ay suportado rin ng House Leadership at ilang mambabatas, tulad ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro na nagsabing hindi dapat hayaan na huwag gumulong ang hustisya para sa 90 namatay.