Isang kongresista, hiniling sa mga employers na bigyang proteksyon ang kanilang mga empleyado laban sa heat stress

Iginiit ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles sa mga employers na sundin ng mahigpit ang inilabas na advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) na protektahan ang mga manggagawa laban sa heat stress na dulot ng matinding El Niño phenomenon.

Ayon kay Nograles, mahalagang sundin ng mga kompanya ang mga hakbang na inilatag ng DOLE para sa kapakanan ng mga empleyado ngayong matindi ang init na nararanasan sa bansa.

Kabilang sa tinukoy ni Nograles ang pagbabawas sa pagkabilad sa araw ng mga manggagawa, pagkakaroon ng sapat na ventilation at heat insulation sa mga workplaces, adjustments sa pahinga at lugar ng trabaho, pagkakaroon ng sapat na personal protective equipment (PPE) laban sa init at access sa hydration tulad ng inuming tubig.


Sang-ayon din si Nograles sa rekomendasyon ng DOLE na magsagawa ang mga kompanya ng information campaigns para matulungan ang mga empleyado na agad matugunan ang mararanasan nilang sintomas ng heat stress.

Binigyang diin ni Nograles, na “Prevention is better than cure” kaya mas praktikal na tutukan ang occupational safety kaysa tumugon sa epekto ng kapabayaan, na maaaring magdulot ng productivity loss, aksidente, at posibleng kaso dahil sa paglabag sa batas.

Facebook Comments