Nagpadala ng liham si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kina State Secretary Anthony Blinken, Defense Secretary Lloyd James Austin III at US Ambassador to Manila MaryKay Carlson.
Laman ng liham ni Rodriguez ang hiling sa Amerika na i-donate sa Pilipinas ang USS Philippine Sea para i-deploy sa West Philippine Sea.
Naniniwala si Rodriguez na magiging malaking tulong ang nabanggit na US warship para mapag-ibayo ang pagpapatrulya ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng ating bansa kasama ang West Philippine Sea.
Ipinaalala rin ni Rodriguez sa kanyang liham sa tatlong US officials na ang pangalang USS Philippine Sea ay para sa “Battle of the Philippine Sea” noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Bunsod nito ay tiwala si Rodriguez na magiging big asset ang USS Philippine Sea sa pagdepensa ng ating karatagan, soberenya, gayundin ang ating pwersa at mga tauhan, lalo na ang mga mangingisdang Pilipino.
Binigyang-diin ni Rodriguez na kapag pinagbigyan ang kanyang hiling ay lalong titibay ang pagkakaibigan at ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas.