Inaasahan ni House Committee on Health member at OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na mahihirapang makakalusot sa Commission on Appointments o CA si Health Secretary Teodoro Herbosa.
Ayon kay Magsino, tiyak mauungkat sa CA hearing ang resolusyon na inilabas noong 2016 ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagsasabing guilty umano si Herbosa sa kasong administratibo kaugnay sa sinasabing mga anumalya sa 2012 hospital modernization program.
Binanggit ni Magsino na kalakip ng naturang Ombudsman ruling ang pagtanggal kay Herbosa sa government service at pagbabawal sa kanya na humawak uli ng anumang pwesto sa pamahalaan.
Sa pagkakaalam ni Magsino ay may nakahaing apela si Herbosa hinggil dito sa Court of Appeals.
Bukod dito ay sinabi ni Magsino na kinasuhan din ng Ombudsman sa Sandiganbayan si Herbosa, kasama ang iba pang mga dating opisyal ng Department of Health ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Magsino, nag-ugat ang kaso sa umano’y mga iregularidad sa implementasyon ng P392-million hospital modernization project sa ilalim ng Aquino administration.
Bunsod nito ay nananawagan si Magsino sa CA na gawin ng mahusay ang trabaho nito na busisiin at pag-aralang mabuti kung karapat-dapat si Herbosa na mamuno sa DOH.
Facebook Comments