Isang kongresista, ipinaalala kay VP sara na itinutuloy lang ni PBBM ang amnesty program sa mga rebelde na sinimulan ni dating Pangulong Duterte

Ipinaalala ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano kay Vice President Sara Duterte na ang amnesty proclamation na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ay pagpapatuloy lamang ng programa na ipinatupad ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Binanggit ito ni Paduano sa pagdinig ng House Committees on Justice at National Defense and Security bilang tugon sa mga pahayag ni VP Sara laban sa amnesty proclamation na inilabas ni Pangulong Marcos.

Sa naturang pagdinig ay pinagtibay ng dalawang komite ang apat na proklamasyon na inilabas ni Pangulong Marcos upang patawarin ang pagkakasala sa batas ng mga rebelde bunsod ng kanilang paniniwalang politikal.


Diin ni Paduano, mahalaga ang nabanggit na mga proklamasyon para sa kapayapaan ng bansa kaakibat ang paalala na naglabas din ng kaparehong proklamasyon si dating Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Paduano, ang naturang proklamasyon ay hindi lamang programa ng administrasyon kundi pangako ng mga nagdaang administrasyon mula sa panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino.

Facebook Comments