Isang paglabag sa batas ang hindi paglalagay ng price tags ng mga online retailer sa kanilang mga produkto.
Babala ito ni Minority Leader at 4Ps Partylist Representative Marcelino “Nonoy” Libanan sa mga nagtitinda online na idinadaan sa private message sa mga costumer ang presyo ng kanilang mga paninda.
Sa gitna ng last-minute holiday online shopping rush ay ipinaalala ni Libanan na sa ilalim ng Consumer Act of 1992, ang isang produkto ay hindi maaring ibenta sa mas mataas na presyo na nakalagay sa price tag nito.
Diin ni Libanan, ipinasa ng Kongreso ang Consumer Act o Republic Act No. 7394 upang tiyakin ang transparency sa presyo at maprotektahan ang publiko laban sa pag-abuso sa pamamagitan ng overpricing o hindi makatwirang taas ng presyo ng mga produkto at serbisyo.
Kaugnay nito ay pinapakilos ni Libanan ang Department of Trade and Industry (DTI) para tiyaking nasusunod ang price tag requirement na nakapaloob sa batas.