Pinayuhan ni Construction Workers Solidarity Party-list Representative Edwin Gardiola ang publiko na mga maaring gawin sa harap ng tumataas na halaga ng dolyar kontra piso.
Pangunahin sa mga payo ni Gardiola, ang pagtangkilik sa sarili nating mga produkto at pagtulong sa mga maliliit na negosyo sa bansa kasama na ang mga exporter.
Hinikayat din ni Gardiola ang mamamayan na maging matipid sa paggamit ng credit cards dahil sa tumataas na lending interests.
Kasabay nito ay umapela si Gardiola sa gobyerno na tulungan ang mga negosyante sa mga probinsya upang makalikha sila ng mga trabaho.
Paliwanag ni Gardiola, habang papalapit ang Pasko, makabubuting magmalasakit tayo sa mga magsasaka, mangingisda, at entrepreneurs sa mga probinsya dahil doon kailangan maramdaman ang pagbangon ng ekonomiya.
Dagdag pa ni Gardiola, para maibsan ang negatibong epekto dulot ng high forex rates, marapat bilisan ng Bureau of Customs ang pag-release ng shipment containers sa lahat ng daungan at bawasan rin ang red tape sa mga transaksyon sa imports at forex transactions.