Isang kongresista, nanawagan kay PBBM na tuluyang ipagbawal ang POGO sa bansa

Nananawagan si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na tuluyan ng ipagbawal ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa buong bansa.

Hinihiling din ni Rodriguez sa Kongreso na iprayoridad ang mga panukalang batas at resolusyon na nagsusulong na i-ban ang POGO sa Pilipinas.

Apela ito ni Rodriguez, sa gitna ng kontrobersyal na operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga na nagpapatunay ng pagkakasangkot nito sa iba’t ibang krimen at mga ilegal na aktibidad.


Ito ay nang i-raid ng mga awtoridad ang mga POGO hub na nag-e-empleyo ng daan-daang Chinese at Vietnamese nationals na biktima ng sindikato ng human smuggling.

Diin pa ni Rodriguez, hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang umano’y paggamit ng China sa POGO para mag-espiya sa mga sensitibong ahensya o tanggapan sa ating gobyerno tulad ng Malacañang, Department of National Defense at buong militar.

Sang-ayon si Rodriguez na ang negatibong epekto ng POGO sa bansa at mga hatid nitong problema ay hindi sapat sa kinikita rito ng gobyerno.

Facebook Comments