Isang kongresista, naniniwalang may magagawa ang pamahalaan hinggil sa COVID-19

Naniniwala si Surigao Del Norte Representative Ace Barbers na tama lang ang ginawang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pag-deklara ng State of Public Health Emergency sa bansa.

Ayon kay Cong. Barbers sa pagdalo nito sa Balitaan sa Maynila, dahil sa pagdedeklara ay marami nang pwedeng magawa ang national government partikular ang Department of Health o DOH para mapigilan ang pangamba na dulot ng Corona Virus Disease o COVID-19.

Sinabi pa ni Barbers na bagama’t hindi pa nailalabas ang budget ng DOH at sa second quarter pa ng taon ito matatanggap ng ahensiya kung saan nasa 80 bilyong pondo ang inilaan na para dito, umaaasa siya na may mga hakbang pa rin na gagawin ang DOH para mapigilan ang pagkalat ng nasabing virus.


Pabor din ang kongresista na gamitin ang rehabilitation area sa Nueva Ecija bilang pasilidad ng mga pasyenteng may mga sintomas ng COVID-19 lalo na’t malaki ang naturang lugar.

Iginiit naman ni Dr. Juan Antonio Perez III, executive director ng Commission on Population na malaki ang magiging papel ng lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko.

Aniya, ang bawat lokal na pamahalaan ang siyang mas nakakaalam ng sitwasyon sa kanilang nasasakupan ay sila din ang magdedesisyon kung ano ang dapat gawin para hindi na kumalat pa ang COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments