Isang kongresista, pinamamadali ang pag-apruba sa panukala na pipigil sa pagtaas ng singil sa transaksyon ng mga ATM

Umaapela si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate sa Kongreso na madaliin ang pagpapatibay sa panukala na pipigil sa pagtataas ng singil sa bawat transaksyon gamit ang Automated Teller Machine (ATM).

Bunsod na rin ito ng nakatakdang pagtaas sa singil sa transaction fees sa mga ATM ngayong buwan ng Abril.

Sa ilalim ng inihaing House Bill 4019 ay pinapa-regulate ang transaction fees and charges sa mga ATM at inoobliga ang pagpo-post ng notice ng mga singil na ito sa screen ng ATM bago pa man makapagsagawa ng transaksyon gamit ang makina.


Taong 2019 pa inihain ng kongresista ang panukala kaya naman napapanahong aprubahan ito sa gitna ng nararanasang krisis sa bansa.

Kasabay nito ay nanawagan si Zarate sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipaliwanag sa publiko ang nakaabang na pagtataas sa ATM fees.

Epektibo sa Abril 7, kapag ang cardholder ay gumamit ng ATM sa hindi sariling bangko ay tataasan na ang withdrawal transaction fee sa P18 habang sa balance inquiry ay P2.

Facebook Comments