Para kay House Deputy Majority Leader and Iloilo 1st District Representative Janette Garin, kailangang ihiwalay ni Vice President Sara Duterte ang papel nito bilang mataas na opisyal ng pamahalaan sa kanyang pagiging kaibigan ni Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ito ni Garin makaraang dumalo si VP Sara sa isang prayer rally bilang suporta kay Quiboloy pero kalaunan ay naging pagtitipon laban sa administrasyon.
Diin ni Garin, bukod sa pagiging ikalawang pangulo, si Duterte ay miyembro rin ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at ngayon ay caretaker pa ito ng bansa habang nasa abroad ang pangulo.
Sabi ni Garin, maaaring layunin ni VP Sara sa kanyang paglahok sa nabanggit na rally na pag-isahin ang buong bansa lalo’t hindi tayo dapat nag-aaway away sa pagharap sa napakaraming problema.
Pero diin ni Garin, dapat ding pakaisipin ni VP Sara na si Pastor Quiboloy ay nahaharap ngayon sa mga alegasyong human trafficking at sexual abuse ng mga menor-de-edad na iniimbestigahan din ng Senado.
Habang ang Kamara naman ay pinatawan ng contempt at pinapa-aresto si Pastor Quiboloy at pinababawi na rin ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nagpapatakbo ng Sonshine Media Network International (SMNI).