Hiniling ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa Commission on Election o COMELEC na ma-exempt sa Barangay Election spending ban ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagsasagawa ng relief operations para sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Batay sa Omnibus Election Code, bawal ang paglalabas ng pondo 45 araw bago ang regular election at 30 araw naman kung special elections.
Sa liham ni Salceda sa COMELEC ay kanyang ipinaliwanag na hindi pa rin matukoy kung kailan sasabog ang bulkan kaya ang evacuation at relief efforts ay posibleng umabot o lumagpas pa ng Barangay Elections na nakatakda sa Oktubre ngayong taon.
Ibinabala ni Salceda na kapag hindi napagbigyan ang kanyang apela sa COMELEC ay aabot sa mahigit 100,000 pamilya ang maaapektuhan at hindi mabibigyan ng tulong.
Nilinaw naman ni Salceda na nais nilang tumalima sa batas ngunit kailangan din nilang tuparin ang kanilang mandato na alagaan ang kanilang constituents at ito ay matutupad sa pamamagitan ng aksyon ng COMELEC sa kanyang apela.