Umapela si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa Pamahalaan ng Canada na bawiin ang inilabas na travel advisory na humihikayat sa mamamayan nito na iwasang magpunta sa Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Caraga at Davao Region.
Ugat ng travel advisory ang pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) noong December 3 ng nakaraang taon kung saan 4 ang nasawi.
Pero giit ni Rodriguez, ang MSU bombing ay isolated incident at nahuli na rin ng mga otoridad ang mga suspek.
Kaya naman panawagan ni Rodriguez sa Canadian government lalo na sa kanyang kaibigan na si Ambassador David Hartman, muling pag-aralan ang sitwasyon ng kapayapaan, kaayusan at seguridad sa Mindanao.
Para kay Rodriguez, hindi makatwiran ang travel advisory sa Mindanao dahil sa mga nakalipas na taon ay wala namang naganap na seryosong kaso ng pambobomba at mga karahasan sa rehiyon.