Mariing binatikos ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pag-akto ng China bilang monster o halimaw.
Pahayag ito ni Castro, kasunod ng balita na kinumpiska at sinira o itinapon umano ng China Coast Guard ang mga pagkain at iba pang supplies na para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Bunsod nito ay nanawagan si Castro sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Natikn o ASEAN, lalo na ang may claims din sa South China Sea, na magkaisa.
Ayon kay Castro, dapat na magtulungan ang ASEAN countries sa pagpapatrolya sa karagatan at sa paghahain ng kaso sa United Nations laban sa China.
Mungkahi ni Castro sa pamahalaan, pangunahan ang hakbang na ito at hikayatin ang mga kapitbahay na bansa sa ASEAN na manindigan laban sa agresibong gawain ng China.