Isang kongresista, umapela sa mga mahistrado ng Supreme Court na tukuyin kung bakit umabot sa bilyones ang hindi nagastos na pondo ng PhilHealth

Nananawagan si Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa mga mahistrado ng Supreme Court na silipin ang dahilan kung bakit umakyat sa bilyones ang savings o hindi nagamit na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth mula sa subsidy ng national government mula 2021 hanggang 2023.

Dahil sa inilabas na temporary restraining order ng Kataas-taasang Hukuman ay hininto muna ang paglilipat ng savings ng PhilHealth sa National Treasury.

Giit ni Ordanes, dapat ay matukoy kung bakit napakalaki ng sobra sa pondo ng PhilHealth na maaring bunga ng posibleng kahinaan o sablay sa pagtupad nito ng mandato.


Naniniwala si Ordanes na maaring nakakaapekto sa hindi epektibong paggamit ng PhilHealth sa pondo nito ang pananatili nito bilang attached agency ng Department of Health.

Para kay Ordanes ang PhilHealth ay hindi isang health services delivery agency kundi isang finance agency kaya mas dapat itong nasa ilalim ng Department of Finance.

Facebook Comments