Ikinalungkot ni Deputy Majority Leader at Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos, ang mga insidente ng karahasan, pamamaril, pati na rin mga aksidente sa mga motorcade sa panahon ng kampanya para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Bunsod nito ay nanawagan si Delos Santos sa Philippine National Police (PNP) at sa multiplier forces na pa-igtingin ang mga hakbang para mahadlangan ang karahasan sa BSKE.
Giit ni Delos Santos, hindi kailangang humantong sa karahasan ang naging kampanya para sa BSKE kung saan may mga kandidatong nagpakita agad ng maling ehemplo.
Ipinunto ni Santos na sa panahon ng kampanya ay makikita na ng taumbayan kung sino ang mga dapat iboto sa BSKE at hindi kasama dito ang nasa likod ng mga nangyaring karahasan o gulo.