Nanawagan si Committee on Human Rights chairman at Manila 6th District Representative Benny Abante sa publiko na ipagdasal din ngayong Undas ang mga biktima ng hazing at libu-libong biktima ng tokhang o extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs.
Nakakalungkot para kay Abante na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaaresto, nakakasuhan at nahahatulan ang mga pumatay at utak sa brutal na pagpaslang sa naturang mga kaawa-awang biktima ng hazing at tokhang.
Dismayado si Abante na napakabagal gumulong ng katarungan sa ating bansa.
Bunsod nito ay hinihiling ni Abante sa Supreme Court na magbigay ng rekomendasyon sa kongreso para sa pagbalangkas ng batas na makakatulong sa pagtatakda ng patas at makatwirang deadline sa pagresolba sa mga kasong kriminal.