Umapela si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa Senado na ipasa na ang Early Voting Bill sa muling pagbubukas ng session sa susunod na buwan.
Pasado na sa Kamara ang naturang panukala na nagpapahintulot sa maagang pagboto sa national at local elections ng mga kwalipikadong senior citizens, persons with disabilities o PWDs, mga abogado at health care workers.
Ang panawagan ni Rodriguez sa Senado ay kasunod ng pahayag ng Commission on Elections o COMELEC na plano nitong magsagawa ng pilot test para sa early voting sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oct. 30, 2023.
Paliwanag ni Rodriquez, mahalaga na maipasa ng Kongreso ang early voting bill para maipadala na ito at malagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., upang maisabatas bago ang BSKE.
Dagdag pa ni Rodriguez, kapag naisabatas ang panukala sa Agosto ay magkakaroon ng sapat na panahon o tatlong buwan ang COMELEC para magsagawa ng information campaign ukol sa early voting.