Umaapela si AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa mga Senador na iprayoridad ang pagpasa nito ng sariling bersyon ng panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
Panawagan ito ni Reyes sa Senado kasunod ng report na 80,000 BHWs ang sinibak ng walang due process ng mga nanalong opisyal ng barangay sa nakaraang barangay and Sangguniang Kabataan elections.
Giit ni Reyes, maling mali ang biglaang pagtanggal sa nabanggit na mga BHWs
na syang pangunahing nagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad.
Ayon kay Reyes, patunay ito ng pangangailangan na maipasa ang panukalang batas na magbibigay proteksyon sa kanilang mga karapatan, magbibigay ng dagdag na health benefits, compensation, at incentives.
Si Reyes ay isa sa mga nanghain ng panukalang Magna Carta for BHWs na naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representative noong December 12, 2022.