Nananawagan si ACT-CIS Party-list Representative Jeffrey Soriano sa Senado na ipasa rin ang House Bill No. 454 o panukalang Media Workers Welfare Act.
Ginawa ni Soriano ang apela sa Senado makaraang lumusot na sa third at final reading ng Mababang Kapulungan ang naturang panukala na layuning protektahan ang mga karapatan at interes ng mga manggagawa sa media industry.
Nakapaloob sa panukala ang pagtiyak ng tamang pasahod sa media workes, regularization ng employment, at iba pang benepisyo tulad ng Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-Ibig, maging insurance coverage tulad ng death, disability, at medical benefits.
Sabi ni Soriano, ang panukala ay pagkilala rin sa walang sawang serbisyo sa publiko ng media workers sa pamamagitan ng patuloy na pagbigay ng tapat at dekalidad na balita sa ating lipunan.
Bunsod nito ay umaasa rin si Soriano na susuportahan ang panukala ng ibang sangay ng gobyerno gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) para maitaas ang karangalan at dignidad ng media workers.