Isang konsyumer group, iginiit na kartel, hoarders at profiteers ang problema hindi food supply

Inihayag ngayon ng grupong Malayang konsyumer na walang problema sa suplay ng pagkain sa bansa.

Iginiit ng grupo na ang nagpapahirap sa buhay ng mga pamilyang Pilipino ay ang kartel, hoarders at profiteers na silang nagtatago sa naaning agricultural products at nagmamanipula sa presyo nito sa merkado.

Kasabay nito, nanawagan ang naturang consumer group sa Senado na agaran nang ipasa ang Senate Bill 1688 na inihain ni Senador JV Ejercito, na naglalayong maamyendahan ang RA 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.


Sa isinagawang media forum, iginiit ni Atty. Simoun Salinas, tagapagsalitan ng Malayang Konsyumer, sa ilalim ng Senate Bill 1688 ng senador, ang mga nasa likod ng hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri-products ay ituturing din bilang isang uri ng economic sabotage, na papatawan ng mas mabigat na kaparusahan.

Kung sinusuportahan nina Salinas ang panukalang ito ni Senator Ejercito, mariin naman nilang binabatikos at tahasang sinabi na dapat ibasura ang bersiyon ni Senator Lito Lapid na pagbabago sa RA 10845.

Sa Senate Bill 1812 na inihain ni Senator Lapid, nais nitong maisama ang tabako at cigarette products sa hanay ng mga produktong agrikultura na mahigpit na babantayan sa ilalim ng nasabing batas.

Giit nina Salinas at Malayang Konsyumer Convenor Christian Real, ang mga amyenda sa Anti-Smuggling Law ay naglalayong mapabuti ang pagpapatupad niito, subalit dapat ay nakatuon sa mga pagkakasala na direktang apektado ang mga Pilipinong mamimili.

Paalaala naman ni Real, ang smuggling ng mga pangunahing pagkain ay malaking problema, ngunit hindi ito ang tanging problema na dapat nating atupagin.

Aniya, sapat ang suplay ng pagkain pero itinatago naman at ipinagkakait sa merkado kung saan mataas din ang presyo nito dahil kontrolado ng cartel at ng mga mapagsamantala at ganid na grupo.

Facebook Comments