Nasa pangangalaga na ngayon ng Municipal Environment and Natural Resources Office ng bayan ng Bautista ang isang uri ng kuwago o ang Scops Owl matapos mapadpad sa bakuran ni Jefferson Mejia sa barangay Pogo, Bautista.
Kay gandang pagmasdan ang brown na kulay ng nasabing kuwago na tila ba isang stuffed toy din dahil sa makapal nitong balahibo.
Ang kuwagong ito ay personal na dinala sa tanggapan ng MENRO nitong January 28 at nakatakda ring dalhin sa Community Environment and Natural Resources Office dito sa Dagupan City upang masuri ang kaniyang kalagayan at kung ito ay ligtas nang maibalik sa kaniyang natural habitat.
Ayon sa website na allaboutbirds.org ( All About Birds), ang mga ibon gaya ng Kuwago ay maaaring napapadpad sa mga lugar na malayo sa kanilang natural na tahanan dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Maaaring dahil ito sa pagbabago ng klima at panahon, o kaya’y naghahanap ng pagkain, at minsan din lalo na kapag bata pa lang ang mga ito, ay aksidente lamang na napupunta sa ibang lugar.
Samantala, hinikayat naman ang MENRO Bautista ang kanilang mga kababayan na isangguni rin sa mga kinauukulan kung sakaling makakita ng mga hayop lalo na ang mga di pangkaraniwan at endangered species upang mabigyan ng tamang pangangalaga ang mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨