Isang legal expert, naniniwalang dapat magkaroon ng sesyon ang Kamara para muling pag-usapan ang 2021 national budget

Naniniwala si Atty. Tony Laviña, isang governance and legal expert na dapat na muling magkaroon ng sesyon ang Kamara upang pag-usapan at talakayin ang P4.5 trillion na 2021 national budget.

Ito’y bago ang itinakdang third and final reading sa November 16 sa muling pagbabalik ng sesyon ng Kamara.

Ayon kay Laviña, bagama’t may karapatan ang mga kongresista na magkaroon ng pagpupulong para pag-usapan ang budget bill habang suspendido ang sesyon sa Kamara, wala raw itong saysay dahil uulitin muli ito sa umpisa lalo na’t hindi ito dumaan sa legislative record at process.


Iginiit pa ng dating Dean ng Ateneo School of Government na nararapat lamang na makausap at matanong ng mga kongresista ang bawat departamento habang ito ay nasa sesyon ng Kamara.

Bukod dito, maaari namang kuwestyunin ng ilang kongresista ang budget bill sakaling hindi ito dumaan sa tamang proseso.

Sinabi pa ni Laviña na ang nangyayaring pag-delay sa usapin sa budget ay bunsod na rin ng kaguluhan sa Kamara hinggil sa term-of-sharing sa pagka-Speakership na isang pagpapakita ng hindi tamang pamumuno sa gobyerno.

Naniniwala rin si Laviña na hindi makukuha ng isang araw ang pag-amyenda sa national budget dahil posibleng may ilang kongresista ang magrereklamo at gustong pag- aralan ang ginawang amendments.

Facebook Comments