Isang lider ng House Quad Committee, iginiit na gyera laban sa droga ang pinondohan ng Kongreso at hindi ang EJK

Nilinaw ni House Quad Committee Chairman at Manila 6th District Rep. Benny Abante na tanging ang implementasyon ng war on drugs ang sinuportahan ng mga mambataas at hindi ang extra judicial killings na konektado dito.

Reaksyon ito ni Abante sa pahayag ni Davao del Norte, 1st District Rep. Pantaleon Alvarez na kung guilty si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay guilty rin ang Kongreso dahil hindi naman mangyayari ang war on drugs kung hindi ito sinuportahan at pinondohan ng 17th at 18th Congress.

Pero giit ni Abante, ang pondo na inilaan ng mga mambabatas para sa kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng Duterte administration ay hindi para patayin ang nasa 20,000 drug suspect.


Diin pa ni Abante, ang madugong drug war ay hindi naman nakaresolba bagkus ay nagpalala pa sa problema sa ilegal na droga at kahirapan sa bansa.

Ayon kay Abante, marami ang naulilang mga anak dahil sa ilalim ng ikinasang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel, ay pinatay ang kanilang mga magulang na pinaghihinalaan pa lang na sangkot sa ilegal drugs habang bigo nitong kasuhan at parusahan ang mga big-time drug lords.

Sabi pa ni Abante, pati ang mga media outlets ay pinatahimik at ang lahat ng tumutol sa drug war, tulad ng mga abogado, huwes at mga politiko ay isinangkot sa operasyon ng ilegal na droga at ang iba ay pinatay pa.

Facebook Comments