
Para kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang conflict of interest sa panig ni Congresswoman-elect Leila de Lima sakaling matuloy ang pagsali nito sa House prosecution panel para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, ang track record at legal experience ni De Lima ang dahilan kung bakit kwalipikado ito na tumulong sa pag-usig kay Duterte.
Diin pa ni Adiong, ang pagsama kay De Lima sa prosecution team ay lehitimo, estratehiko, at sumusunod sa mga patakaran ng House of Representatives.
Dagdag pa ni Adiong, malaking tulong din na pamilyar si De Lima sa mga kaso ng pagdukot at sa dami ng mga biktima ng Extra Judicial Killings gayundin sa mga affidavit ng whistleblowers na sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato.
Si De Lima ay nakatakdang umupo sa Mababang Kapulungan bilang kinatawan ng ML o Mamamayang Liberal Party-list na nanalo sa katatapos na midterm elections.
Dagdag pa ni Adiong, pinapayagan din ng Kamara ang ang pagkuha ng external legal experts upang makatulong sa pagbubuo ng matibay na kaso katulad ng nangyari noong 2012 impeachment trial sa yumaong si dating Chief Justice Renato Corona.









